Home HOME BANNER STORY Alice Guo ‘di bibigyan ng VIP treatment sa Pasig City jail

Alice Guo ‘di bibigyan ng VIP treatment sa Pasig City jail

MANILA, Philippines – Hindi bibigyan ng VIP treatment at ituturing na parang isang ordinaryong detainee sa dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa paglipat nito sa Pasig City Jail.

Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesman Jayrex Joseph Bustinera, isasama ang dating alkalde sa iba pang mga detainee sa Pasig City Jail female dormitory.

“Maliit lang po ito. Nasa 36 lang po ang ideal capacity ng kulungan natin, pero ang nakakulong ngayon nasa 135 so talagang over capacity po ito,” ayon kay Bustinera sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.

Si Guo, na nahaharap sa ilang arrest warrants dahil sa umano’y kaugnayan sa illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at iba pang reklamo ay ide-detain sa isa sa prison cells na nakalaan para sa general population ng Persons Deprived of Liberty (PDLs).

“Itong selda pong ito ang laman ay nasa 40 plus, around 44 po. Mayroong 10 bedbunks na may tatlong level, triple decker na bedbunks… Malinis at well maintained naman. It is what it is. ‘Yun lang naman po ang paglalagyan ng BJMP,” sinabi ni Bustinera.

Sa oras na mailipat, ipoproseso si Guo saka dadalhin sa kanyang selda.

“Una po medical examination. Ichecheck po kung may signs of abuse or torture, protocol iyon. After noon pagpapalitin na siya ng damit… tapos iinterviewhin sya, mugshot, fingerprint… pagkatapos ihahatid na siya sa kanyang selda na indentified nga ngayon na pang general population,” saad pa ng BMJP official.

“Lahat sama-sama na jan dahil limited ang cell space. Sa BJMP as a policy, wala po kaming VIP treatment, bawal yan… Makikita naman natin ang jail facility we are very transparent, it is what it is. Kung ano ang sitwasyon, yun na yon. Ihahalo po talaga sya, kasi wala naman kaming paglalagyan na ibang selda,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ni Bustinera ang kaligtasan ni Guo.

“Mayroon naman kaming intelligence unit… at so far sa assessment ng security namin dito wala naming imminent threat,” aniya.

“Inaassure naman naming safe and secure siya, makakarating siya sa kanyang mga hearing at the same time mapoprotektahan ng kanyang Karapatan bilang bilanggo katulad ng ibang bilanggo din na ordinaryo.” RNT/JGC