MANILA, Philippines – Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission nakipagtransaksyon si Tony Yang, kapatid ni Michael Yang na naging economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasagsagan ng operasyon ng POGO sa naturang munisipalidad sa Tarlac.
Sa ulat, si Yang ay kasalukuyang nahaharap sa arrest warrants mula China dahil sa umano’y fraud, dagdag sa mga kaso ng pagiging undesirable alien at misrepresentation na inihain ng Bureau of Immigration.
“May transactions kasi kami na tinitignan, and yung transactions na yun talagang nag-abot sila. Hindi lang isa o dalawa, nag-abot sila doon sa mga transaction na iyon. Kay Alice Guo, yung Bamban, at tsaka yung grupo nitong si Tony Yang,” ani PAOCC chief Undersecretary Gilbert Cruz.
Sa pagkakaaresto kay Tony Yang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Huwebes, Setyembre 19, nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P1.4 milyong cash, mamahaling mga gamit, Chinese passport nito, at Philippine birth certificate na nagtataglay ng late registration, na kapareho ng kay Guo.
“Inimbestigahan namin yung ‘Antonio Maestrado Lim’. And then, sa pag-iimbestiga namin, lumalabas na siya pala ay si Tony Yang,” sinabi ni Cruz.
Sa mas masusing pagsisiyasat, napag-alaman na may halos magkaparehong birthday ang mga hinihinalang personas ni Yang.
Nagbigay ng pagkakataon ang birth certificate ni Yang na makagawa ito ng katauhan na siya ay isang Filipino at makakuha ng government issued IDs kabilang ang driver’s license, firearm’s registration at permit to carry.
Ani Cruz, iimbestigahan ng PAOCC ang municipal civil registry.
“Hindi natin alam, baka hindi lang isa o sampu ito. Baka libo din ang nag late registration dito. Which is, ang iniisip namin, baka nakapag establish na din sila ng ganiyang mga criminal activities,” dagdag pa ng PAOCC official.
Sa ngayon ay tinututukan din ng PAOCC ang 10 ektaryang ari-arian ni Yang sa Cagayan de Oro na mayroong sariling pantalan at hinihinalang nagtatago ng isang illegal POGO hub.
“Nagpasok sila ng bigas from Vietnam, so sinita yan kasi since sila ay nasa steel business, dapat steel lang talaga ang pwede nilang gawin at pwede nilang ipasok… Yung mga structure na nakita namin doon, yung initial intel reports sa amin, talagang ginawa yun para sa POGO at maraming nakikitang mga foreign national sa loob [ng building]. So, siguro in the next few days, baka either pasukin na namin yun o inspeksyunin,” paliwanag ni Cruz.
Matapos maaresto, sumailalim si Yang sa inquest para sa mga paglabag nito sa immigration law.
Kamakailan ay iniugnay din ang kapatid nitong si Michael Yang na mayroong kaugnayan kay Guo at sa nilusob na POGO hub sa Bamban.
“Ang kumpanya ni Alice Guo, ang BAOFU, ay may direktang transaksyon sa joint account ng dalawang tao— ang isa si Yu Zheng Can, na incorporator ng Hong Sheng, ang POGO na ni-raid sa Bamban, Tarlac. Ang kasama niya sa account ay isang nagngangalang Hongjiang Yang,” pagbabahagi ni Senador Risa Hontiveros sa isang pulong balitaan.
“Who is Hongjiang Yang, you may ask? Kapatid po siya ni Michael Yang. Yes, the same Michael Yang na dating economic presidential adviser kuno ni Duterte. In short, the money of Michael Yang’s brother was used to fund HongSheng, the raided Bamban POGO,” dagdag pa ng senador. RNT/JGC