MANILA, Philippines- Nailipat na si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice sa Pasig City Jail Female Dormitory mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City nitong Lunes ng umaga.
Dumating ang convoy ni Guo sa Pasig jail bandang alas-9:14 ng umaga, base sa ulat.
Lumabas ang kanyang convoy sa detention facility sa Camp Crame dakong alas-8:49 ng umaga, ayon sa naunang ulat.
Ililipat sana si Guo sa Pasig City Jail noong Biyernes subalit hindi natuloy dahil hindi agad nakumpleto ng Philippine National Police (PNP) ang ilang rekisitos, kabilang ang kanyang medical assessment.
Makakasama ni Guo sa detention facility ang 44 inmates kahit idinesenyo ang lugar para lamang sa siyam na detainees.
Dahil sa security concerns, umaasa ang kampo ni Guo na mananatili siya sa kustodiya ng PNP.
Ipinag-utos ng Pasig City Regional Trial Court-Branch 167 ang paglipat kay Guo, korteng naglilitis sa kanyang non-bailable case na qualified human trafficking. RNT/SA