Home NATIONWIDE Congressional probe vs illegal POGO tuloy kahit nagpiyansa si Alice Guo –...

Congressional probe vs illegal POGO tuloy kahit nagpiyansa si Alice Guo – Risa

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Risa Hontiveros na itutuloy ang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) kahit nagpiyansa si dating Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping sa tunay na pangalan.

Sinabi ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on women na nag-iimbestiga sa krimen ng illegal POGO, na nahaharap din si Guo sa ilang kasong kriminal sa ibang korte, partikular sa Pasig City.

“Karapatan man niyang magpyansa, tuloy pa rin naman ang imbestigasyon. Walang magbabago,” ayon kay Hontiveros.

“She is still facing non-bailable human trafficking charges. Kaya hangga’t sa hindi mapatunayan sa korte ang pagka-inosente niya, mananatili siyang nakakulong,” giit ni Hontiveros.

“Magpapatuloy din ang presensya niya sa Congressional hearings dahil kasalukuyang din siyang naka-contempt sa Senado at sa Kamara,” paliwanag ng senadora.

Naglagak ng piyansa si Guo sa Valenzuela Regional Trial Court nitong Biyernes sa kasong graft sa halagang P540,000, ayon sa kanyang abogado, si Stephen David.

Naunang inihain ang kasong graft sa Tarlac court ngunit inilipat sa Valenzuela alinsunod sa itinakda ng naunang kautusan ng Supreme Court.

Nakatakdanag ilipat din si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center alinsunod sa kautusan ng korte sa non-bailable case na qualified human trafficking. Ernie Reyes