MANILA, Philippines- Umalis na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga at dinala sa Senate building sa Pasay City.
Nilisan ni Guo, nakaposas at may suot na bulletproof vest, ang Camp Crame sakay ng puting coaster bus bandang alas-8:35 ng umaga, base sa ulat.
Base sa hiwalay na ulat, dumating si Guo sa Senate building makalipas ang ilang minuto. Agad siyang dinala sa holding room.
Huling dumalo si Guo, nahaharap sa ilang kaso, sa Senate hearing noong Mayo. Ilegal umano itong umalis ng bansa noong Hulyo at naaresto sa Indonesia at pinauwi sa Pilipinas noong nakaraang linggo.
Iniuugnay ang dating alkalde sa operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Bamban. RNT/SA