Home NATIONWIDE Alice Guo pinayagang dumalo ng korte sa Senate POGO probe sa Oktubre...

Alice Guo pinayagang dumalo ng korte sa Senate POGO probe sa Oktubre 8

MANILA, Philippines – Naglabas ng kautusan ang Pasig City court na pumapayag kay dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na dumalo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Oktubre 8.

Pinagbigyan ni Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 167 Presiding Judge Annielyn Medes-Cabelis ang hiling ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality na payagang dumalo ng personal si Guo, sa pagsasabing ang Senado ay “a co-equal branch of the judiciary and the subject inquiry is in aid of legislation.”

Bukod dito, pinayagan din ng Pasig City court ang hiling ng Senate panel sa pagdalo ng mga sumusunod na indibidwal sa nakatakdang pagdinig sa susunod na linggo:

Jamielyn Santos Cruz
Thelma Barrogo Laranan
Rita Sapnu Yturralde
Rowena Evangelista
Rachelle Joan Malonzo Carreon

Ipinag-utos din ng korte kay Pasig City Jail Female Dormitory Officer-in-Charge Jail Inspector Jocelyn Riño na magkaroon ng mga pamamaraan para siguruhin ang kaligtasan ng anim na akusado sa kanilang pagdalo sa Senate investigation.

Pinapayagan din ang kanilang legal counsels na umasiste kay Guo at lima iba pa sa pagdinig ng Senado.

Noong nakaraang Biyernes, naghain ng not guilty plea si Guo sa qualified human trafficking charge na pending pa sa Pasig court.

Ang kaso ay may kaugnayan sa raid sa POGO hub sa Bamban noong Hunyo, kung saan 800 Pinoy at dayuhan ang nasagip.

Si Guo ay nahaharap sa reklamong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasig City Jail. RNT/JGC