MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Labor and Employment (DOLE) na kanselahin kaagad ang alien employment permits (AEP) ng dayuhang manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) bilang pro-active approach dulot ng nalalapit na pagpapatupad ng ban.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na iniiba-iba lamang ng POGO ang kanilang anyo upang manatili sa bansa at ipagpatuloy ang illegal na aktibidad sa pang-i-scam.
Isinagawa ni Gatchalian ang kahilingan sa kanyang interpelasyon sa panukalang badyet ng DOLE sa 2025.
“Kailangan natin ng napaka-proactive na diskarte para kanselahin ang kanilang mga work permit at sa huli ay ipadala ang mga manggagawang ito sa kanilang bansang pinanggalingan at kailangan natin ang buong makinarya ng gobyerno na magtulungan upang putulin ang legal na batayan para sa mga indibidwal na ito na manatili sa Pilipinas,” diin niya.
Ang legal na batayan para sa operasyon ng POGO sa bansa ay nakatakdang magwakas sa katapusan ng taon na magkakabisa ang pagbabawal sa POGO.
Ayon sa DOLE, nasa 15,819 na AEP ang na-isyu ngayong taon at aabot lamang sa 36,000 naman ang nakansela mula nang magdeklara ng POGO ban.
Sinabi ng kagawaran na ito ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration (BI) upang matiyak na ang working visa ng dayuhan na may POGO-related AEPs ay kanselado at sila ay mapipigilan na manatili nang ilegal sa bansa.
Kasabay nito, hinimok ni Gatchalian ang labor department na palakasin ang kanilang employment facilitation programs para sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa mga POGO upang matiyak na ang mga mawawalan ng trabaho sa industriya na makakakuha agad ng trabaho.
“Ito ang isa sa mga bagay na inaalala natin — ang mawalan ng trabaho ang mga Pilipinong nasa POGO. Kaya, hinimok ko ang departamento na ipagpatuloy ang mga job fair at iba pang programa para sa mga lokal na manggagawa ng POGO upang ang mga maaalis sa trabaho ay mabibigyan ng makabuluhang trabaho,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ng DOLE na humigit-kumulang 27,590 Pilipino ang nagtatrabaho sa mga POGO.
Sa loob ng mahigit dalawang taon, isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means. Ernie Reyes