Home NATIONWIDE Alituntunin sa diborsyo abroad inilabas ng SC

Alituntunin sa diborsyo abroad inilabas ng SC

MANILA, Philippines – Idineklara ng Supreme Court na kapag humiling ang isang Pilipino sa korte sa Pilipinas na kilalanin ang diborsyo na ipinagkaloob sa ibang bansa, ang dapat patunayan ay ang batas ng bansang nag-isyu ng diborsyo, at hindi ang batas ng nasyonalidad ng banyagang asawa.

Ayon sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ibinalik ng Third Division ng Korte Suprema ang kaso sa Court of Appeals (CA) upang bigyan ng pagkakataon ang isang Pilipina na maipaliwanag nang maayos ang mga batas tungkol sa diborsyo sa Kentucky, Estados Unidos.

Ang kaso ay tungkol sa isang Pilipina na nagpakasal sa isang Peruvian sa New Jersey, U.S.A. Bagama’t nanirahan sila sa Kentucky, naghiwalay sila at nakakuha ng divorce decree mula sa korte ng Kentucky.

Nagsampa ang Pilipina ng petisyon sa Regional Trial Court (RTC) sa Pilipinas upang kilalanin ang diborsyo. Kasama sa kanyang mga ebidensiya ang kopya ng divorce decree at mga printout ng mga batas sa kasal ng Kentucky at Peru.

Pinagbigyan ng RTC ang petisyon, subalit binaliktad ito ng Court of Appeals dahil hindi umano niya napatunayan na ang diborsyo ay alinsunod sa batas ng Kentucky, at hindi rin pinapayagan ng batas ng Peru ang kanyang asawa na magdiborsiyo at magpakasal muli.

Nilinaw ng Korte Suprema na sa pagkilala ng diborsyo na ipinagkaloob sa ibang bansa, ang mahalaga ay ang batas ng bansang nagbigay ng divorce decree. Dahil ipinagkaloob ang diborsyo sa Kentucky, tanging batas ng Kentucky lamang ang kailangang patunayan.

Sa ilalim ng Article 26(2) ng Family Code, maaaring magpakasal muli ang Pilipino kung ang banyagang asawa ay nakakuha ng diborsyo sa ibang bansa na nagpapahintulot sa kanya na magpakasal muli. Kailangang tiyakin ng mga korte sa Pilipinas na may bisa ang diborsyo sa ilalim ng batas ng bansang iyon.

Upang mapatunayan ang bisa ng batas sa Kentucky, kailangang magsumite ang Pilipina ng opisyal na kopya o certified copy ng batas na iyon. Teresa Tavares