Home NATIONWIDE Special commemorative stamp para kay Pope Francis inilabas ng PHLPost

Special commemorative stamp para kay Pope Francis inilabas ng PHLPost

MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng isang special commemorative stamp bilang pagkilala at paggunita sa yumaong Pope Francis, na nagdiriwang ng kanyang pamana ng pananampalataya, pakikiramay, at paglilingkod sa sangkatauhan.

Ayon sa isang news release, sinabi ni PHLPost Postmaster General at Chief Executive Officer Luis Carlos na ang inisyatibang ito ay isang “mapagpakumbabang paraan ng korporasyon upang parangalan ang isang pandaigdigang relihiyosong pigura na nakaapekto sa hindi mabilang na buhay, kabilang na ang milyun-milyong Pilipino.”

Ipinakita ang selyo sa isang se-tenant format, na binubuo ng magkakabit na pares ng mga disenyo, kung saan bawat isa ay may kanya-kanyang natatanging simbolismo.

Sumasagisag ang format sa dalawang mahahalagang aspeto ng misyon at impluwensya ni Pope Francis, parehong sa larangan ng relihiyon at pandaigdigang makataong gawain.

Ayon sa PHLPost, ang unang aspeto ay nagpapakita ng espirituwal na pagpapakumbaba ng Santo Papa, habang ang pangalawa naman ay sumasalamin sa kanyang matatag na adbokasiya para sa kapayapaan, panlipunang hustisya, at pangangalaga sa kalikasan.

Kabuuang 20,000 kopya ng commemorative stamp ang naimprenta at nakatakdang i-release bilang bahagi ng paggunita.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)