MANILA, Philippines- Mahigpit na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang paglalagay ng mga tarpaulin at tent na hindi magmumula sa kanilang tanggapan sa Manila North at South Cemetery sa darating na panahon ng Undas.
Batay sa abiso ng lokal na pamahalaang lungsod, simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, 2024 ay bubuksan sa publiko ang North at South Cemetery mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Sa mga nabanggit na araw, ipagbabawal na pumasok ang anumang klase ng sasakyan sa mga nabanggit na kampo santo at pansamantalang sususpendihin ang pagsasagawa ng libing at cremation.
Bibigyan naman ng pagkakataon na makapaglinis, magpintura at magkumpuni sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay hanggang sa Sabado, Oktubre 26, 2024.
Batay pa sa abiso, mahigpit din na ipinagbabawal ang mga manininda na makapwesto sa loob ng mga nabanggit na pampublikong sementeryo upang mapanatili ang kalinisan sa loob nito.
Maaari namang isama ang mga menor-de-edad sa loob ng sementeryo basta’t lalagayn ito ng tag mula sa Manila Department of Social Welfare para sa kanilang pagkakakilanlan sakaling sila ay mawala.
Pinaalalahanan din ng Manila LGU ang publiko na tanging ang kanilang inihandang mga tarpaulin at kubol ang kanilang maaaring gamitin at mahigpit din na pinagbabawalang magsagawa ng anumang klase ng events o kaganapan ang sinumang pribado o grupong political sa loob ng mga nasabing kampo santo upang mapanatili ang taimtim na paggunita sa panahon ng Undas.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na handa ang kanilang hanay upang magbigay ng serbisyong medikal at seguridad sa mga dadalaw sa mga nasabing sementeryo dahil nagtalaga sila ng mga ambulansiya at doctor gayundin ng mga miyembro ng Manila Police District.
Maglalagay din ng mga portalets sa loob ng mga sementeryo at magbibigay din sila ng libreng sakay gamit ang mga e-trikes sa mga dadalaw na hirap maglakad partikular na ang mga senior citizen, person with disabilities at mga buntis.
Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagdala ng armas at anumang klase ng matutulis na bagay, bawal din magdala ng mga nakalalasing na inumin, bawal magdala ng mga alagang hayop, mga instrument na naglilikha ng maingay na tunog, mga flammable materials, sigarilyo, at lighter. JR Reyes