MANILA, Philippines- Inilahad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Miyerkules na magpapalabas ng isang memorandum circular upang gawing isa ang pagpapatupad ng discounts para sa mga estudyante, persons with disabilities (PWD), at senior citizens sa lahat ng ride-hailing platforms.
Sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na ipalalabas ang memorandum circular sa pagtatapos ng Enero.
Sa hearing, inihayag ni Guadiz na lilinawin ng memorandum circular ang magkakasalungat na memoranda na ipinalabas, na nagresulta sa paiba-ibang implementasyon ng special discounts ng transport network companies.
Sinabi ni Guadiz na lilinawin din ng mga alituntunin kung sino ang sasagot sa special discounts.
“We hope to correct this until the end of this month. Asahan ninyo pa na isasaayos po namin ‘yung pagpapatupad,” ani Guadiz sa isang press release.
Gayundin, binanggit ni Guadiz na itatalaga ng memorandum circular ang TNCs at operators bilang primary entities na responsable sa pagsaklaw ng halagang may kaugnayan sa special discounts.
Aniya, titiyakin nitong hindi mabibigatan ang mga driver dito. RNT/SA