BASILAN- Sugatan ang siyam katao kabilang ang alkalde matapos lumiyab ang sinasakyan nilang speed boat kahapon sa pribadong daungan sa Zamboanga City.
Nilapatan ng lunas sa ospital si Mayor Arsina Nanoh, ng Hadji Muhtamad, kanyang police escort, mga tauhan at kaanak matapos magtamo ng mga paso sa kanilang katawan.
Ayon kay Zamboanga City Fire District Marshal Supt. Leo Pioquinto, bandang alas-5:02 ng hapon noong Miyerkules nang bigla na lamang lumiyab ang speed boat ilang metro ang layo sa daungan sa Barangay Baliwasan.
Sa pagresponde ng mga awtoridad agad na naapula ang sunog dakong alas-5:29 ng hapon at tinatayang aabot sa P1 milyong halaga ang tinupok ng apoy.
Inaalam na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagliyab ng speed boat. Mary Anne Sapico