Home NATIONWIDE Free legal assistance sa military, uniformed men oks kay PBBM

Free legal assistance sa military, uniformed men oks kay PBBM

MANILA, Philippines- Tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na magkakaloob ng free legal assistance sa military at uniformed personnel na nahaharap sa anumang reklamo o asunto mula sa insidente na may kinalaman sa kanilang pagganap sa tungkulin.

Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 12177 o mas kilala bilang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act noong Abril 15.

Sa ilalim ng batas, dapat na magbigay ang estado ng free legal assistance sa military at uniformed personnel sa criminal, civil, o administrative proceedings na nag-ugat mula sa service-related incidents.

Kabilang sa free legal assistance ay legal representation; legal consultations; preparations of pleadings, motions, memoranda, at lahat ng iba pang uri at dokumento; court fees at iba pang kaugnay na bayarin; at notarisasyon ng mga dokumento.

Ang Military and uniformed personnel (MUP) na saklaw ng batas ay ang mga enlisted na mga opisyal at uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), Philippine National Police (PNP), at Hydrography Branch ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

Ang mga opisyal na nahaharap sa anumang service-related case na nakahain sa prosecutor’s office, court, quasi-judicial o administrative body, o anumang competent body o tribunal ay may karapatan sa free legal assistance.

“Retired and honorably discharged and separated MUP shall be eligible for free legal assistance on service-related cases committed while still in active duty,” ang nakasaad sa batas.

Ina-apply din ang batas sa lahat ng MUP na may nakabinbing na service-related cases.

Ipinag-utos ng batas ang pagpapalakas sa legal offices ng pulis at military. Inatasan ang mga ito na magsumite sa Department of Budget and Management (DBM) ng binagong organizational structure at staffing patterns base sa ideal o perpektong ratio ng legal officers na may kabuuang bilang ng mga tauhan.

Sa pagrerebisa ng kanilang organization structure, dapat na ikonsidera ng mga ahensyang sangkot ang demand ng serbisyo, historical number ng mga kasong hinahawakan, kasalukuyang case load, at logistical requirements na kailangan para sa kani-kanilang legal offices upang magbigay ng sapat at epektibong free legal assistance sa kwalipikadon tauhan.

Ipinag-utos din ng bagong batas na ang mga abogado ng gobyerno na magbibigay ng legal assistance ay may karapatan na makakuha ng kabayaran para sa kanilang aktuwal na biyahe at iba pang gastos, kabilang na ang Special Counsel Allowance para sa bawat appearance sa prosecutor’s office, court, quasi-judicial, at administrative agency, o kahit na anumang competent body o tribunal, “subject to existing laws, rules, and regulations.”

Sa loob ng 90 araw mula sa pagiging epektibo ng RA 12177, ang mga ahensya ng gobyerno ay kinakailangang magpalabas ng kailangang rules and regulations para sa implementasyon nito.

Magiging epektibo naman ang batas 15 araw mula sa publikasyon o paglalathala nito. Kris Jose