Home NATIONWIDE Allowance ng foreign service employees tinaasan ni PBBM

Allowance ng foreign service employees tinaasan ni PBBM

MANILA, Philippines – TINAASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang allowance ng Filipino government employees na nakatalaga sa ibang bansa.

Sa ilalim ng Executive Order No. 73, ang umento sa base rates para sa overseas allowance (OA) at living quarter allowance (LQA) ay mula 35% hanggang 40%, ipatutupad sa apat na tranche.

Ang family allowance (FA) para sa kuwalipikadong dependents ay itataas ng $50 kada buwan. Ang mga personnel sa ibang bansa na mayroong hindi hihigit sa tatlong legal dependent na anak na ‘below 18 years old’ ay maaaring makatanggap ng education allowance para sa kanilang mga anak na nakatala o nakalista sa primary, elementary, at high school levels.

Ang kautusan ay mayroon ding mandato na ‘one-time uniform increase’ na 15% sa representation allowance para sa mga eligible na makatanggap, para makasabay para sa presyo para sa produkto at serbisyo na required para sa ‘entertainment, contributions, flowers, wreaths, at iba pang gastusin.’

Sa kalatas na ipinalabas naman ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi nito na ang updates ay nagmula sa kanilang komprehensibong pagrerebisa at Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga allowance sa ilalim ng EO No. 156, s. 2013, na ipinalabas mahigit sa 10 taon na.

Sinabi pa ng DBM na kinokonsidera nito ang ‘global inflation rates, buying/purchasing power ng US dollar over time, at United Nations International Civil Service Commission (UN ICSC) Retail Price Indices’ sa paga-adjust ng allowance.

Para sa unang taon ng implementasyon, ang kailangang halaga para i-cover ang adjustments ng allowance ay dapat na hugutin mula sa savings ng ahensiya at/ o sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Samantala, sa 2025 National Expenditure Program, P974.98 milyong piso ang inilaan para sa nasabing layunin sa ilalim ng MPBF. Kris Jose