MANILA, Philippines – Bilang paghahanda sa epekto ng El Niño dry spell ngayong taon, ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila mula sa Angat Dam ay ibinaba sa 50 cubic meters per second (cms), mula sa dating 52 cms, simula nitong Sabado.
“Mababa na po ‘yung elevation ng Angat Dam. So right now po sa ngayon gusto natin unti-unti po natin bawasan yung alokasyon at i-utilize po natin ‘yung mga tubig na nanggagaling sa ating watershed,” ani Metropolitan Waterworks and Sewerage System Division Manager for Angat and Ipo Dam Operation Management Engineer Patrick Dizon.
Samantala, ibinabala ng Maynilad Water Services Inc. na ang pinakamasamang sitwasyon ay kung hindi sapat ang tubig na dala ng mga pag-ulan, magkakaroon ng anim hanggang 10 oras na water interruption sa 623,000 water service connections.
Gayunpaman, sa kabila ng pagbawas sa alokasyon ng tubig, sinabi ng Maynilad na mas maganda ang kalagayan ng tubig ngayon kaysa noong nakaraang Abril.
Ang Manila Water, sa bahagi nito, ay nagsabi na inaasahan ng publiko ang regular na supply ng tubig sa East Zone. Ang water utility ay naghanda ng ilang proyekto upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng tubig sa panahon ng El Niño. RNT