Home TOP STORIES Alternatibong pondo sa CHED isusulong kapag inalis travel tax — Yamsuan

Alternatibong pondo sa CHED isusulong kapag inalis travel tax — Yamsuan

8
0

MANILA — Tiniyak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan na isusulong niya ang alternatibong mapagkukunan ng pondo para sa Commission on Higher Education (CHED) sa panukalang 2027 national budget sakaling maisabatas ang pag-aalis ng travel tax.

Bahagi ng Higher Education Development Fund (HEDF) ng CHED ang 40 porsiyento ng kabuuang gross collections mula sa travel tax, kaya posibleng maapektuhan ang mga scholarship, research at iba pang programa ng ahensya kapag tuluyang inalis ang buwis.

“ Kami po ay magtatrabaho sa Kongreso para hanapan kayo ng alternative sources of funding once mangyari po ang pagsasabatas ng abolition ng travel tax,” sinabi ni Yamsuan kay CHED Chairperson Shirley Agrupis sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang 2027 budget ng ahensya.

Ayon kay Yamsuan, miyembro ng House Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc), may nakalaan pa ring bahagi ng HEDF sa 2027 National Expenditure Program na magmumula sa travel tax collections ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Nauna nang nagbabala si Agrupis sa pagdinig ng House Committee on Tourism noong Marso na maaaring mawala ang 85.6 porsiyento ng pondo ng HEDF kung aalisin ang travel tax nang walang kapalit na funding source.

Aniya, maaaring maapektuhan nito ang scholarships, research, institutional upgrading at tourism education programs ng CHED.

Inaprubahan ng House of Representatives noong Marso 16 ang panukalang nag-aalis sa travel tax. Target din ng Senado na maipasa ngayong taon ang katumbas na panukala.

“ Kami bilang member ng BARSc, sisiguraduhin ko po na sa susunod na pagpupulong with Chair Mika [Suansing] ay gagawa po kami ng paraan upang maibalik ang pondo para hindi maantala ang magagandang programa ng CHED,” ani Yamsuan.

Kasabay nito, hinimok din ng kongresista ang CHED na palawakin ang konsultasyon sa Local Universities and Colleges (LUCs) upang mas marami sa mga ito ang maging kuwalipikado sa Tulong Dunong Program (TDP).

Sa ilalim ng TDP, maaaring makatanggap ang kwalipikadong estudyante ng P7,500 kada regular semester, depende sa prayoritisasyon at availability ng pondo.

Ayon sa mga datos na binanggit sa pagdinig, 116 lamang sa 170 LUCs ang CHED-recognized at maaaring tumanggap ng TDP grants para sa kanilang mga estudyante.

Sinabi ni Yamsuan na may mga aplikante ng TDP sa kanyang distrito na hindi nakakuha ng tulong dahil hindi CHED-recognized o accredited ang kanilang paaralan o kursong kinukuha.

Kabilang sa mga requirement ng CHED ang Certificate of Program Compliance (COPC), na naglalayong matiyak na sumusunod sa national quality standards at mga polisiya ng ahensya ang mga degree program na iniaalok ng mga pampublikong institusyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here