Home OPINION ALYANSANG MARCOS, DUTERTE, DUROG NA?

ALYANSANG MARCOS, DUTERTE, DUROG NA?

NOONG ilunsad ni Pangulong Bongbong Marcos ang Bagong Pilipinas, sinabayan ito nang pagtitipon naman sa Davao sa pangunguna nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kung saan tuluyang nabasag ang alyansa ng Marcos at Duterte nang akusahan ng dating pangulo ang kasalukuyang pangulo na “addict”.

Sinundan pa ito nang panawagan ni Mayor Baste na bumaba na sa pwesto si Marcos dahil sa hindi ito karapat-dapat sa kanyang posisyon.

Nang maganap ang paglulunsad ng Bagong Pilipinas sa Luneta, dumalo pa si Vice President Sara Duterte bago ito lumipad patungong Davao para naman makadalo sa rally na pinangunahan ng kanyang ama at kapatid. Dumalo sa rally sa Davao si Sen. Imee Marcos, kapatid ng Pangulong Bongbong.

Sa rally, bukod sa pag-aakusang nasa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency si Pangulong Marcos, sinabihan din ito ni Duterte na ‘di malayong sapitin din nito ang kapalaran ng amang pinatalsik sa pwesto noong 1986.

Hindi naman pinatulan ni PBBM ang mga sinabi ni Duterte sa halip ay pinasaringan lang ito  na baka apekto iyon nang iniinom ng huli na fentanyl, isang uri ng pain reliever na addictive. Ang hindi pagpatol ng Pangulo ay bunsod marahil nang pagtanaw ng utang na loob sa mga Duterte sa pagpayag na maihimlay ang kanilang ama sa Libingan ng mga Bayani.

Noong 2016 pa, nang maupo bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, inamin ni Duterte na umiinom siya ng fentanyl upang hindi maramdaman ang matinding sakit dahil sa kanyang spinal injury na nakuha sa pamomotorsiklo.

Pero bakit nga ba nagbabangayan sina Marcos at Duterte? Hindi ba’t si Marcos ay ini-endorso ni Duterte bagaman noong una ay ayaw niya rito at tinawag pa nga na “weak president”.

Malamang, dahil ito sa kanilang kasunduan na hindi papayagan ng Marcos administration na makialam ang International Criminal Court sa “war on drugs” noong administrasyong Duterte.

Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin at unti-unting nagkakaroon ng agam-agam ang mga Duterte at pakiramdam niya ay ibinebenta siya ng administrasyon sa ICC at nang  pumasok pa sa eksena ang pinsan ni Pangulong Marcos na si House Speaker Martin Romualdez at puntiryahin ang confidential at intelligence fund ni VP Sara na anak ng dating Pangulo.

Siyempre, ang alam at paniwala ni Duterte, hindi gagalaw si Romualdez nang walang basbas ni Presidente Bongbong. Ang alam ni Digong ay ginigipit ng Kamara ang kanyang anak na si Sara at maging si Davao Rep. Paolo Duterte nang ibunyag ang bilyong budget na natanggap nito sa loob ng tatlong taon panunungkulan sa administrasyon ng kanyang ama.

Biglang natahimik ang magkabilang kampo at kamakailan ay lumutang si dating PRRD at binawi ang mga akusasyon kay Marcos. Ibig bang sabihin nito ay maayos na silang muli?

Abaw, parang mga gago lang! Bato nang bato ng akusasyon at fake news tapos ngayon gagawing engot ang mamamayan.

Baka naman dahil ito sa patuloy na hindi pagpapapasok ni PBBM sa ICC sa imbestigasyon sa bansa. Eh bakit, totoo namang maayos ang takbo ng hustiya sa Pilipinas. Kapag pinapasok ng pamahalaan ang ICC sa bansa upang mag-imbestiga, parang inamin na rin na wala katarungang nakukuha ang mamamayan sa ating bansa.

Ano ba ‘yan? Bumababa na talaga ang “amats” ng mga ito. Nakapag-iisip na sila ng maayos. Mali yata tuloy ako nang sabihin basag na ang alyansa. Naayos na yata dahil nalagyan ng ‘epoxy’.

Previous articleANG ‘IDOL’ PROGRAM NI PRO3 DIRECTOR HIDALGO
Next articlePinakamainit na panahon sa Pinas naitala sa Cotabato City