Home OPINION ANG ‘IDOL’ PROGRAM NI PRO3 DIRECTOR HIDALGO

ANG ‘IDOL’ PROGRAM NI PRO3 DIRECTOR HIDALGO

HINDI biro ang maging pulis dahil matindi ang responsibildad na nakaatang sa kanyang balikat  para  magampanan ang mandato bilang tagapagpatupad ng batas.

Ang ekspektasyon kasi ng marami, walang puwang ang kahit katiting na pagkakamali sa pagtugon sa trabaho dahil sa bawat kapalpakan ay puna ang aabutin sa mapanuring mata ng taumbayan.

Totoo at ‘di maitatangging may mga scalawag, sira-ulong pulis pero iilan lang, maliit na bahagi lamang ito sa kabuuang mahigit 226,000 miyembrong puwersa ng Philippine National Police.

Mas marami pa ring pulis ang maayos na gumaganap sa kanilang sinumpaang tungkulin na tahimik na nagtratrabaho, subali’t ‘di  nababalitaan ng madlang pipol dahil ‘di naiuulat.

Actually, narinig ko na sa ilang police official ang tungkol sa programa na magbibigay pugay sa mga pulis na nakagawa nang ikinalulugod ng publiko at nagdudulot ng ningning sa police organization.

Pero, kumbaga sa track and field competition, naungusan sila ni P/BGen Jose ‘Daboy’ Hidalgo Jr., dahil sa paglunsad nito kamakailan ng ‘Ideal Deeds Of Law Enforcers Program sa Gitnang Luzon.

Ang IDOL program ay dinisenyo upang itaas ang morale ng Central Luzon cops sa pamamagitan nang pagkilala sa ‘di matatawarang kontribusyon sa pagsasakatuparan ng batas at pagtitiyak sa kaligtasan ng publiko.

Tatawaging IDOL ng Buwan ng Istasyon, ito’y pangangasiwaan ng isang Station Selection Committee na ang tungkulin ay kilalanin ang mga nararapat na pulis at indibidwal sa bawat police station sa  Region 3.

Ang mga mapipili ay tatanggap ng sertipiko ng Pagkilala bukod pa sa cash incentive bilang tanda’t premyo dahil sa maayos na pagsasakatuparan ng kanilang trabaho na gagawin sa nakagawiang Monday Flag Raising Ceremony.

Isa na namang programa ni Hidalgo na tiyak na magpapatingkad, hindi lamang sa imahe ng Police Regional Office 3 kundi sa buong PNP.

Previous articleILLEGAL VENDING, ILLEGAL PARKING SA GILID NG PCP SA DIVI
Next articleALYANSANG MARCOS, DUTERTE, DUROG NA?