MANILA, Philippines – Makararanas ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa dahil sa northeast monsoon o Amihan at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa weather bulletin ng PAGASA nitong Miyerkules.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng mga localized thunderstorms.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Caraga, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dahil sa ITCZ. Binabalaan ang publiko tungkol sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan sa mga lugar na ito.
Ang ITCZ ay magdadala din ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sa natitirang bahagi ng Mindanao.
Dahil sa Amihan, ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan.
Ang parehong kondisyon ng panahon ay magdadala ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang pag-ulan sa Rehiyon ng Ilocos, sabi ng PAGASA. RNT