MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko ang tuloy-tuloy na pagbibigay serbisyo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at iba pang social protection services ng ahensya para sa lahat ng nangangailangan.
Sinabi ni Director Edwin Morata, assistant director ng DSWD Program Management Bureau (PMB) at Officer-In-Charge (OIC) ng Crisis Intervention, ang mga probisyon ng cash assistance sa ilalim ng programa ng AICS ay magpapatuloy sa Central Office, Satellite Offices at sa 16 regional field offices ng DSWD.
“We just want to make it clear that the DSWD will still provide up to Php10,000 cash aid to our AICS clients. This won’t be interrupted by the suspension of our Guarantee Letters (GL) at all,” sabi ni Director Morata.
Kaugnay nito, mahigit sa 6.5 milyong mamamayang Pilipino na humaharap sa hirap ng buhay ang nabibigyan ng tulong ng ahensya sa pamamagitan ng programa ng AICS. Umabot naman sa kabuuang halagang P 40.9 bilyon ang naipamahagi ng nasabing programa simula Enero hanggang Disyembre 2023.
Ang halagang nabanggit ay kumakatawan sa 98.5% utilization ng pondo na may kabuuang halaga na higit P41.5 milyon.
Samantala, aabot naman sa higit apat na beses na katumbas ng annual total target of beneficiaries na 1,691,869 ang nabigyan ng tulong ng AICS para sa 2023.
“We would like to clarify that the temporary halt in the issuance of GLs does not mean that we can no longer provide assistance to our kababayans who are dealing with crisis and difficult situations,” sabi pa ni Director Morata.
Binigyang-diin ni Director Morata na magpapatuloy ang pag-aayos ng mga request at iba pang uri ng assistance sa DSWD Central at Field Offices sa ilalim ng AICS program, kabilang na dito ang medical, burial, funeral, food at transportation. Outright cash ang ibibigay dito na hindi hihigit sa P10,000. Santi Celario