Home NATIONWIDE Amihan magpapaulan sa ilang bahagi ng Luzon

Amihan magpapaulan sa ilang bahagi ng Luzon

2
0

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan ang northeast monsoon o amihan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province at Aurora ngayong Linggo, ayon sa PAGASA.

Sa weather forecast na inilabas alas-4 ng madaling araw, nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa mga apektadong lugar.

Samantala, magdadala naman ang easterlies ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Quezon, Dinagat Islands at Surigao del Norte. Posible rin ang pagbaha at landslide sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at panaka-nakang mahinang pag-ulan sa Ilocos Region, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon dahil sa amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto sa panahon sa mga lugar na ito.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa easterlies. Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa ang malalakas na thunderstorms.

Nagbabala rin ang ahensya sa maalong hanggang napakaalongs karagatan sa Northern Luzon, kung saan aabot sa 2.8 hanggang 4.5 metro ang taas ng mga alon dahil sa malalakas hanggang gale-force na hanging amihan.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hanging hilagang-silangan, habang aabot sa 1.5 hanggang 2.8 metro ang taas ng mga alon sa mga baybayin.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa, iiral ang mahina hanggang katamtamang hanging hilagang-silangan hanggang hilaga, na may taas ng alon na 0.6 hanggang 2.5 metro.

Pinayuhan ang publiko, lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na madaling bahain at gumuho ang lupa, na manatiling alerto sa posibleng epekto ng sama ng panahon.

Ayon sa PAGASA, sisikat ang araw alas-6:04 ng umaga at lulubog alas-5:25 ng hapon ngayong Linggo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here