Home HOME BANNER STORY AMLC, BSP, ilang mambabatas kinasuhan ni Mans Carpio sa bank data disclosure

AMLC, BSP, ilang mambabatas kinasuhan ni Mans Carpio sa bank data disclosure

110
0

MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo nitong Lunes sa Quezon City Prosecutor’s Office si abogado Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at ilang mambabatas kaugnay sa paglalantad ng umano’y bank transactions sa pagdinig ng impeachment sa Kamara.

Kasama ni Carpio ang kanyang abogado na si Atty. Peter Paul Danao sa paghahain ng reklamo laban kina AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, BSP Governor Eli Remolona Jr., House Justice panel chair Gerville Luistro, House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima, at Akbayan Party-List Representatives Percival Cendaña at Chel Diokno.

Nakasaad sa reklamo ang umano’y paglabag sa Bank Secrecy Law, Data Privacy Act, at Anti-Money Laundering Act (AMLA), as amended.

“Hindi naman porke’t may accusation ka o meron kang hinanaing sa isang tao, pwede ka nang gumawa ng labag sa batas, pwede ka na gumawa ng illegal,” ani Danao.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng AMLC sa impeachment proceedings laban kay Duterte na may P6.7 bilyong bank transactions na classified bilang covered at suspicious sa ilalim ng pangalan ng mag-asawa.

Kinumpirma rin ng AMLC na hindi bababa sa 18 transaksyon na inuugnay kay Duterte at mga kapamilya nito, na binanggit sa affidavit ni dating senador Antonio Trillanes IV, ay tumutugma sa records ng covered at suspicious transaction reports.

Iginiit ni Danao na bawal umano sa AMLC ang maglabas ng impormasyong nakuha mula sa mga bangko at may legal na proseso kung nais siyasatin ang bank records.

Mariin din umanong itinanggi ni Carpio ang naturang mga transaksyon.

“Noong nag-usap kami (Carpio), talagang dine-deny niya ‘yung sinasabing P3 billion o P6 billion daw na may laman doon sa accounts niya. Wala siyang ganoong pera,” ani Danao.

Nauna nang kinuwestiyon ng depensa ni Duterte ang presentasyon ng datos sa House Justice panel at sinabing “bloated” ang halaga dahil pinagsama-sama umano ang mga transaksyon sa loob ng ilang taon.

Sa pahayag ng BSP, sinabi nitong sasagot si Remolona sa tamang paraan kapag natanggap ang reklamo.

“We emphasize that the BSP and the Anti-Money Laundering Council (AMLC) continue to perform their mandates in accordance with law, guided by independence, professionalism, and due process,” ayon sa BSP.

Sinabi naman ni De Lima na karapatan ni Carpio ang magsampa ng reklamo, ngunit iginiit na walang nilabag na batas ang proceedings ng House committee on justice.

Dagdag pa niya, ang impeachment cases ay sui generis at hindi saklaw ng Secrecy of Bank Deposits Law, habang kinikilala ng Anti-Money Laundering Act na hindi maaaring gamitin ang financial secrecy upang itago ang ilegal na aktibidad.

“The fact that evidence of ill-gotten wealth was exposed in the course of the impeachment proceedings does not make such exposure criminal. It is a direct consequence of impeachment as an accountability mechanism,” ani De Lima. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here