Home OPINION ANG MGA TOTOONG SUROT,  DAGA AT IPIS SA NAIA

ANG MGA TOTOONG SUROT,  DAGA AT IPIS SA NAIA

NALAGAY na naman sa kontrobersya ang pambansang paliparan ng Pilipinas – ang
Ninoy Aquino International Airport.

Lumitaw uli ang pagiging "worst aiport" ng NAIA nang maglitawan kamakailan ang mga surot, daga, ipis at nameste sa mga pasahero.

Sa isang pag-aaral ng business finance at lending research at information provider
na BusinessFinancing.co.uk, ang NAIA ay niraranggo bilang ikaapat na “pinakamasamang airport” sa Asia para sa mga business traveller, na may average rating na 2.78 sa 10.

Ang surot ay insektong naninipsip ng dugo ng tao. Naninira naman ng mga gamit ang
mga daga habang ang ipis ay kadiri at napakabaho.

Sila ay mga literal na peste na ngayo'y sinusugpo na ng pest control provider sa NAIA dahil nalagay na naman ito sa kahihiyan.

Ang mga surot, daga at ipis ay madaling patayin ngunit ang mga totoong peste sa NAIA
ay patuloy na nananatili. Dito ay tila hindi sila nahihiya.

Dati nang may mga "surot" sa NAIA na sumisipsip ng dugo ng mga pasahero sa pamamagitan ng iba’t ibang modus, kinasasangkutan ng mga tauhan sa paliparan.
Paborito nilang biktimahin ang mga sariling kababayan o OFWs sa pagkadesperadong
makahuthot ng pera na wari ba’y hindi sila pinasusweldo ng gobyerno.

Sila ang mga totoong "dagang dingding" na sumisira sa mga haligi ng NAIA kaya gumuho na ang reputasyon nito sa mata, hindi lang ng mga taga-Asya, kundi ng buong mundo.

Mula sa mga “surot at dagang empleyado” sa NAIA, nagkalat din ang iba pang peste sa
labas at paligid ng paliparan.

Ang mga guwardiya ay arogante, ang ilang taxi driver ay mapagsamantala at abuso sa
paniningil ng pasahe.

Mistula silang mga ipis na kaybaho-baho ng mga asal. Sadyang nakapandidiri. Matagal
nang panahon na nariyan sila ngunit hindi masugpo, bagkus ay parami nang parami.

Sa gagawing rehabilitasyon sa NAIA sa pamamagitan ng isang napakalaking
kompanya, hindi lang sana ang mga literal na surot, daga at ipis ang mawala.

Harinawa’y maglaho na rin ang mga tunay na peste sa ating pambansang paliparan.

Previous articleGAB Chairman Clarin nanguna sa MMA seminar-workshop
Next articleWALANG DUDA