Home OPINION WALANG DUDA

WALANG DUDA

NGAYONG ika-8 ng Marso ay ginugunita ang International Women’s Day.   Isang araw
nang pagpupugay at pagkilala sa mga kababaihan.   Isang araw na sumisimbolo sa
mga panalo ng kalahati ng populasyon ng buong mundo, mga panalo sa harap ng mga
hamon at kahirapan na binabalikat nila.

Humuhugot ako ng inspirasyon sa mga babaeng kumikinang dahil sa kanilang ambag
sa lipunan natin ngayon.   Si Sen. Risa Hontiveros na buong tapang na nananawagan
na papanagutin ang isang diumano’y lider ng relihiyon na mapang-abuso pala sa mga
bata at kababaihan. Si Hontiveros rin ang malakas na boses na pumipigil sa balak na

Charter change na sa palagay ko, ay isang malaking pagsasayang ng oras at pera ng
bayan.

Excited din naman ako sa mga babaing humuhugis ng kasaysayan sa palakasan.   Si
Hidilyn Diaz na nagbigay na ng gintong medalya sa atin sa Olympics ay maari muling
manalo sa Paris ngayon taon na ito.   And’yan din ang batang tennis sensation na si
Alex Eala na pasok na sa Top 200 women’s tennis player ng buong mundo.   Mas
maraming kabataan ngayon ang naniniwalang kaya nilang maging mahusay na
manlalaro dahil sa mga tagumpay nina Hidilyn at Alex.

Sa kabilang banda, ibang klaseng tapang naman ang ipinakita ng dalawang
environmentalist na sila Jhed Tamano at Jonila Castro, matapos silang kidnapin at
takutin ng mga umano’y military.   Sila Jhed at Jonila ay tumutulong pigilan ang mga
reclamation projects sa Bulacan at Manila Bay.  Binigyan sila ng Korte Suprema ng
temporary protection order dahil sa patuloy na banta sa kanilang mga buhay.

Hindi na rin ako lalayo para kilalanin ang isa pang napaka-importanteng babae sa
buhay natin.  Ang ating mga nanay. Ang babaing hindi natutulog noong mga sanggol pa
tayo, hanggat hindi mahimbing ang ating tulog.   Ang babaeng hindi susuko sa
anomang hamon, basta masiguro n’ya lang na tayo ay mayroong makakain at
makapapasok sa eskwelahan.   Ang babaing umiyak noong humarap tayo sa dambana
at ikasal tayo.   At takbuhan natin ‘pag mayroong sakit o kailangan nang mag-aalaga sa
ating mga anak.

Walang duda, kaya may saysay pa ang mga buhay natin, dahil sa ambag ng mga
kababaihan. “Maligayang araw ng mga Kababaihan”.