Home NATIONWIDE NBI: Alegasyon ng cash deliveries sa flood control, hindi napatunayan

NBI: Alegasyon ng cash deliveries sa flood control, hindi napatunayan

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nananatiling hindi napatutunayan ang mga alegasyon ng umano’y cash deliveries kaugnay ng flood control controversy dahil sa kakulangan ng independent evidence, supporting documents, at mga testigong may personal na kaalaman.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na hindi sapat ang joint affidavit ng ilang dating bodyguards ni fugitive lawmaker Zaldy Co dahil karamihan ay hearsay lamang at hindi personal na nasaksihan.

“Walang dokumento, device o physical evidence na sumusuporta sa mga alegasyon… Ang ebidensya ay puro salita lamang,” ani Matibag.

Dagdag niya, binigyan sila ng NBI ng pagkakataong magsumite ng karagdagang ebidensya ngunit walang naipresenta. Karamihan din sa mga pahayag ay hindi personal na nakita ang laman ng mga bag na umano’y ginamit sa cash deliveries.

“Ang laman ng bag ay kadalasang hinuhulaan lang, hindi actual na nakita,” dagdag niya.

Ayon sa NBI, 10% hanggang 20% lamang ng mga pahayag ang base sa personal knowledge, habang karamihan ay mula sa kwento ng iba o group chats, na nagpapahina sa bigat ng affidavit lalo’t hindi ito na-cross examine.

Napansin din ng NBI ang posibleng coordinated testimony at pagkakaroon ng inconsistency sa “ex-Marine” label ng grupo, dahil hindi lahat ay dating Marines at ang ilan ay dishonorably discharged.

“Sa korte, ebidensya ang mahalaga, hindi ang label o titulo,” sabi ni Matibag.

“In the totality, hindi napatunayan ang mga alegasyon base sa ebidensyang iniharap,” dagdag niya.

Ayon kay Sen. Erwin Tulfo, inimbitahan ang 18 dating bodyguards at ang kanilang abogado ngunit hindi sila dumalo sa konsultatibong pulong ng Blue Ribbon Committee. Sinabi rin niyang muli silang iimbitahan kapag ganap nang na-constitute ang komite at nagsimula na ang pormal na pagdinig. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here