MANILA, Philippines – Kinondena ng Pilipinas ang sapilitang paggawa (forced labor) at iginiit na handa ang pamahalaan na ipagtanggol ang bansa kaugnay ng mga natuklasan sa imbestigasyon ng Estados Unidos hinggil sa umano’y kakulangan ng mga safeguards laban sa mga inaangkat na produktong may kaugnayan sa forced labor.
Tiniyak ng Malakanyang na seryosong tinutugunan ng pamahalaan ang mga isyung binanggit sa ulat ng United States Trade Representative (USTR), at binigyang-diin ang matagal nang paninindigan ng bansa laban sa sapilitang paggawa, at ang patuloy na pagpapatupad ng mga batas na nagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, kasalukuyang sinusuri ng pamahalaan ang ulat ng USTR at makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga nararapat na mekanismo upang maipakita ang pagsunod ng bansa sa mga batas paggawa at ang pagkondena nito sa lahat ng anyo ng forced labor.
“Seryosong tinutugunan ng pamahalaan ang usaping ito. Binibigyang-diin ng pamahalaan ang matagal nang paninindigan laban sa forced labor at ang umiiral na batas laban dito,” ani Castro.
“Kasalukuyang sinusuri ang ulat ng USTR (United States Trade Representative) at makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng US sa tamang paraan. Kaya nating ipaglaban na tayo ay hindi lumalabag sa batas at tayo ay kumokondena sa forced labor,” dagdag ni Castro.
Sinabi rin ni Castro na kinikilala ng Tanggapan ng Pangulo ang panukala ng USTR na magpataw ng karagdagang 12.5 porsiyentong taripa sa piling produktong mula sa Pilipinas.
Ang pahayag ni Castro ay kaugnay ng panukala ng USTR na magpatupad ng dagdag na 12.5 porsiyentong buwis sa mga produktong mula sa mga bansang nabigong magpatupad ng sapat na proteksyon o safeguards laban sa mga inaangkat na produktong ginawa, buo man o bahagi, gamit ang forced labor.
Iginiit ni Castro na nagpapatupad ang bansa ng mga batas at proseso laban sa forced labor, at binanggit ang kamakailang operasyon ng mga awtoridad laban sa sapilitang paggawa at human trafficking.
Nang tanungin kung magpapadala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng panibagong grupo sa Estados Unidos upang makipag-usap sa USTR, sinabi ni Castro:
“Iyan ang isa sa mga maaaring isagawa, at ito ngayon ay sinusuri kung ano ang mga dapat na gawin para mapatunayan natin na wala tayong paglabag sa mga aktibidad patungkol sa forced labor.”
Sa isinagawang imbestigasyon ng USTR sa 60 ekonomiya, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang napag-alamang kulang umano sa mga nasabing safeguards upang hadlangan ang pagpasok ng mga produktong ginawa nang buo o bahagi sa pamamagitan ng forced labor. (KRIS JOSE)