Binigyang-diin ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chair Zia Alonto Adiong na layon ng isinusulong na Anti-Political Dynasty Act sa Kamara na tuldukan ang sabay-sabay na pagkontrol ng magkakamag-anak sa mga Local Government Units (LGUs).
Sa gitna ng House plenary deliberation para sa House Bill No. 8389, ipinaliwanag ni Adiong na layunin ng panukala na pagbawalan ang magkakadugo na maglingkod nang sabay sa iisang lokalidad upang maiwasan ang monopolyo sa kapangyarihan.
“Hindi na po puwedeng sabay na manungkulan si misis at si mister. Si misis at ang kanyang anak, si nanay at si tatay. ‘Yun po ang siguradong wala pong posibleng manipulation ng internal resources ng ating mga LGU,” ani Adiong.
Ang pahayag ni Adiong ay tugon sa naging interpellation ni Navotas City Rep. Toby Tiangco na nagpahayag ng agam-agam kung magagarantiyahan ba ng bill ang limitasyon sa dami ng miyembro ng pamilya na posibleng manalo sa eleksyon.
Sa ilalim ng nasabing bill, bawal tumakbo o humawak ng posisyon nang sabay ang mga magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity sa iisang lugar. Ang panukala ay kasalukuyang nakabinbin para sa ikalawang pagbasa.
Iginiit ni Adiong na mawawala na ang tsansa na magsama-sama sa puwesto ang magkakamag-anak na madalas nagiging ugat ng impluwensya at access sa resources ng LGU.
“Ang kasiguraduhan po dito sa panukalang batas ay wala nang posibilidad ng manipulation ng internal resources ng LGU,” dagdag ni Adiong.
Siniguro rin ng mambabatas na maingat na binuo ang bill upang magkaroon ng balanse sa pagitan ng political reform at demokratikong karapatan.
Itinuturing ni Alonto Adiong na ang panukala ay isang “malaking step forward” upang sa wakas ay maipatupad ang anti-political dynasty provision ng Konstitusyon na matagal nang nakabinbin.
Pangunahing may-akda ng panukala sina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos, kasama ang 173 iba pang co-authors. Itinuturing din itong priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gail Mendoza