MANILA, Philippines – UMAASA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maipapasa sa loob ng kanyang termino ang panukalang batas na nagbabawal sa political dynasty sa bansa.
Sa katunayan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling prayoridad ng Pangulo ang panukalang anti-political dynasty law.
“Alam nating lahat na nais ng Pangulo na sa kanya ring pamumuno magkaroon ng batas patungkol sa anti-dynasty bill or anti-political dynasty bill. So, priority po ‘yan ng Pangulo,” ani Pangulong Marcos.
Gayunman, sinabi ni Castro na hindi dapat iugnay ang panukalang batas sa kasalukuyang political leadership sa mga lalawigan, lalo na sa Pampanga at Bulacan.
Aniya, ang anti-political dynasty law ay naglalayong bigyan ang mga Filipino ng mas maraming pagkakataon na makahanap ng elective posts at ipakita ang kanilang kakayahan sa pamumuno.
“Pero kung ikokonekta po natin ito sa mga liderato ngayon, sa Pampanga, sa Bulacan, hindi na po ito necessary sa ngayon,” ani Castro.
“Kailangan po na magkaroon tayo ng batas para mas magkaroon ng tsansa ang ibang mga kababayan natin na maging leader at maipakita naman din nila ang kanilang kagalingan,” aniya pa.
Sa ulat, nakasaad sa Artikulo II, Section 26 ng 1987 Constitution na bawal ang mga political dynasty sa bansa. (KRIS JOSE)