Home OPINION ANYARE NA, CHAVIT?

ANYARE NA, CHAVIT?

BILANG mamamahayag ako, at hindi doktor, kailangan ko nang dagdag kaalaman sa epekto ng pneumonia sa nakatatanda. Ang alam ko, delikado ang masasakiting senior citizen sa komplikasyon, o pwedeng ang seryosong impeksyon ay maoperahan at matagalan ang pagpapagaling. Pero madali na itong gamutin ngayon.

Kailangang makumbinsi pa akong grabe ang sakit para mapaurong si Chavit Singson sa pinupuntiryang posisyon, magsenador. Gets ko — nagkasakit siya, kaedaran niya si Joe Biden, bukod sa hataw ang kampanyahan hanggang Mayo.

Pero nahihiwagaan talaga ako sa pagdedeklara niya nang pagbawi ng kandidatura, may show pa sa Mall of Asia sa harap ng 10,000 tao. Sa akin, mas parang pagpapakita ng puwersa kaysa pag-aming mahina na siya para magsenador ng anim na taon.

Lilinawin ko lang: Hindi ko minamanok ang macho man ng Ilocos Sur. Nawiwirduhan lang ako sa nangyayari sa eleksyon — pagpapalit-kandidato, alis-pangalan sa balota, diskwalipikasyon, at kakatwang kandidato — na hindi ako magugulat kung ang pag-urong niya ay bahagi lang ng isang paandar at sa huli ay kandidato pa rin siya.

Tandaan nating si Chavit ay political genius, marunong makipaglaro — sa paraang walang alingasngas o pwedeng hindi patas. Kaya hanggang nasa balota ng Comelec ang pangalan niya, tanging mga botante ang makapagpapasya.


Mga artista sa PNP

Dekada 80 pa ang Firing Line, pinupuna ang pang-aabuso ng mga pulis. Pagod na ako sa paulit-ulit na katiwalian at iskandalong nakasisira sa imahe ng Philippine National Police.

Pero anong gagawin ko — manahimik lang sa isa na namang kahihiyang kinasangkutan ng PNP? Binubusisi ng Department of Justice kung paanong ang pinakamalaking drug bust, nangyari sa Tondo noong 2022, ay gawa-gawa lang pala ng mga tiwaling pulis!

Pursigido raw ang PNP, anila, sa pagpapanagot sa nagkasala, pinagdadampot ang 15 sa 29 na aktibo at dating pulis na sangkot sa 990-kilo drug haul na tadtad ng cover-ups, nakawan, at korapsyon.

Bagamat naaresto na ang mga tinyente at iba pang mas mababa ang ranggo, ayon sa latest PNP report, malaya pa ang mga opisyal na kasabwat nila. Bakit naaantala ang pag-aresto — o baka isa uli itong zarzuela?

Nababahala ako sa integridad ng mismong kaso. Kung balewala lang sa awtoridad ang protocols, magtitiwala ba tayo sa orihinal na operasyon o sa mga ebidensya? Dapat silipin ito ng DOJ, bilisan ang prosekusyon, at siguruhing maibibigay ang katarungan sa “grand conspiracy” na ito.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.