Home NATIONWIDE Isa pang posibleng ‘underwater drone’ nakita sa karagatan sa Bohol

Isa pang posibleng ‘underwater drone’ nakita sa karagatan sa Bohol

Inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Miyerkules na nagsasagawa ito ng imbestigasyon ukol sa iniulat na pagkakita ng isang diumano’y underwater drone na lumulutang sa karagatang sakop ng Bohol noong nakaraang linggo.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, ang Visayas Command ang nangunguna sa imbestigasyon ng hindi pa natutukoy na kagamitan.

Kasalukuyan ding nakikipagtulungan ang AFP sa Naval Forces Central upang mangalap ng mga detalye at matukoy ang kalikasan ng insidente.

Subalit, binanggit ni Trinidad na wala pa silang kagamitan para magsagawa ng forensic investigation.

Hinikayat niya ang taong nakakita at nag-post ng kagamitan sa social media na makipag-ugnayan agad sa pinakamalapit na yunit ng militar o navy para sa tamang paghawak nito.

Binanggit din ni Trinidad ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng publiko at ang pagpapahayag ng mga kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad. RNT