MANILA, Philippines – Matapos maglabas ng marching order si Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Juanito Victor Remulla sa kapulisan ng Gitnang Luzon na buwagin at hulihin ang lahat ng leader at miyembro ng gun for hire kabilang na ang mga organized syndicate at private armed groups sa buong rehiyon, agad na tumalima ang Police Regional Office 3 at apat na hinihinalang miyembro ng organized crime group ang naaresto matapos pagnakawan ang isang convenience store sa Brgy. Consuelo, Floridablanca, Pampanga.
Naiulat ang insidente bandang 11:30 AM ng Linggo, Oktubre 20.
Kinilala ang mga suspek bilang sina Tristan Awa Bestoguey, Tom Contade Nadnaden, Harold Bangloy Saqueb at Daniel Dave Tolingan Egsaen, mga walang trabaho at residente ng Lungsod ng Baguio at Mountain Province. Nahuli sila matapos ang mabilis na pagresponde ng mga pulis ng Floridablanca Municipal Police Station.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang pagnanakaw bandang 10:30 AM nang makatanggap ang Floridablanca MPS ng tawag sa nasabing tindahan batay na rin sa monitored security system nito.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at naaresto si Tristan Bestoguey sa pinangyarihan ng insidente habang ang tatlo niyang kasamahan ay nakatakas.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation, at
nahuli ang natitirang mga suspek sa Porac, Pampanga.

Narekober mula sa mga suspek ang isang .45 caliber handgun na may limang bala, isang .38 caliber handgun na may tatlong bala, apat na granada, Php 90,000 na cash, iba’t ibang grocery items, mga kagamitan na ginagamit para sa mabibigat na trabaho (heavy equipment tools) at isang puting Toyota Fortuner (plate number CCL8293) na kinilala bilang kanilang getaway vehicle.
Sa karagdagang imbestigasyon, natukoy na sangkot din ang mga suspek sa mga nagdaang pagnanakaw sa parehong mga sangay ng convenience store sa Aliaga at San Jose City, Nueva Ecija. Ang kanilang pagkakasangkot sa mga krimen na ito ay nagpapakita ng isang ‘pattern’ ng mga magkakaugnay na kriminal na mga gawain sa iba’t ibang lugar.







