Manila, Philippines – Kaakibat ng mandato at patuloy na pagsuporta sa mga pelikulang Pilipino, sinimulan na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagribyu sa mga kalahok sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa pamumuno ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, binigyan ng Board ng angkop na klasipikasyon ang apat sa walong kalahok sa ika-51 edisyon ng MMFF.
Ang romantic film na “I’m Perfect,” mula sa direksyon ni Sigrid Bernardo at sa produksyon ng Nathan Studios, ay nakakuha ng G rating (General Audience) o pwede sa lahat ng manonood.
Umiikot ang kuwento sa romantikong relasyon ng dalawang karakter na may Down syndrome.
Sabi ng Committee report, “People with down syndrome have the same fundamental rights as anyone else to form romantic relationships, make choices about love and pursue happiness. They may need support, protection and education to navigate relationships safely and respectfully.”
“Unmarry,” na pinagbibidahan nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo, sa direksyon ni Jeffrey Jeturian at sa produksyon ng Quantum Films at Cineko Films, ay rated PG (Parental Guidance)
Tungkol ito sa masalimuot na paglusaw sa kasal, o annulment.
Rated PG din ang comedy-drama na “Bar Boys: After School,” ang sequel ng 2017 film na “Bar Boys.”
Mula sa direksyon ni Kip Oebanda sa ilalim ng 901 Studios Inc., ito ay tungkol sa kinahinatnan ng mga karakter pagkatapos ng kolehiyo.
Ang PG rating ay para sa edad 13 at pababa kasama ang kanilang magulang o nakatatanda.
Samantala, ang horror anthology na “Shake, Rattle and Roll: Evil Origins,” na prinodyus ng Regal Entertainment at ika-17 sa naturang serye, ay rated R-13 at para sa edad 13 at pataas.
Binigyang-diin ni Sotto ang papel ng Board sa paggabay sa publiko tungo sa responsableng panonood.
“Sa ating pagribyu sa mga pelikulang kasali sa MMFF, hinihikayat natin ang pamilyang Pilipino na panoorin ang walong pelikula at samahan kami na ipagdiwang ang mayamang kultura at dekalidad na pagkukwento sa pamamagitan ng pelikula,” sabi ni Sotto. JP Ignacio