BULACAN, Philippines – Arestado ang isang High Value Individual nang mahulihan ng P3,060,000.00 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Santa Maria nitong Disyembre 4.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, kinilala ang suspek na si alyas “Louie”, 48, residente ng Brgy. Caypombo.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon bandang 2:10 ng hapon sa pangunguna ng istasyon kasama ang Bulacan Provincial Intelligence Unit, Bulacan PIT East, RIU3 at PDEA Bulacan sa nasabing lugar.
Nasamsam sa suspek ang tinatayang 450 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,060,000.00 at buy-bust money.
Sinasabing matagal nang minomonitor ng mga awtoridad ang suspek dahil sa kanyang pagiging HVI sa illegal drug activities.
Dinala ang suspek at ang mga ebidensya sa istasyon para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. (Dick Mirasol III)