Home OPINION APAT PANG MC TAXI ‘PLAYERS’, PINAYAGAN NG TWG?

APAT PANG MC TAXI ‘PLAYERS’, PINAYAGAN NG TWG?

HANGGA’T hindi pa naisasa-pinal ang rekomendasyon ng Technical Working Groups para sa pilot study ng motorcycle Taxi Service, iba’t-ibang haka-haka at pangamba ang umiikot sa social media maging sa panig ng mga maaapektuhang sektor ng transportasyon.

Sa buwan pa kasi ng Mayo nakatakdang magsumite ang TWG na pinamumunuan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chair Teofilo Guadiz ng kanilang rekomendasyon sa Kongreso para sa magiging kalagayan ng MC taxi service kaya ang daming pangamba at haka-haka ang nabubuo, hindi lang sa apektadong sektor ng transportasyon, kundi maging sa mga kompanyang nag-apply sa programa.

Isa na rito ang napaugong na umano’y pagpayag daw ng TWG na makapasok sa programa ang apat pang players, bukod sa Angkas, Joyride at Move It na ka-partner ng Grab na lubhang naka-alarma hindi lamang sa mga nabigyan ng akreditasyon na lumahok sa pilot program, kundi sa sektor ng pampasaherong jeep at tricycle na naniniwalang makaaapekto ang pagdami ng MC taxi sa kanilang hanapbuhay, bukod sa makadaragdag sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Ang lalo pang nagpakabog sa mga dati ng akreditasyon at sektor ng ilang transportasyon ang umano’y pagsali raw ng Grab Bike sa programa na nakatakda pang bigyan ng 2,000 sa 8,000 slots.

Sa panig naman ng LTFRB, ipinahayag ni Chairman Guadiz na itinigil na nila ang pagdaragdag ng bilang ng mga MC taxi dahil magsusumite na sila ng rekomendasyon sa Kongreso.

Gayunman, nababahala pa rin ang mga apektadong sektor dahil sinabi rin ng tagapangulo ng TWG na magiging sagot ang MC taxi sa problema nang pagkalat ng mga habal-habal na nagsasakay ng pasahero kahit walang permiso. Pawang mga sinanay na driver daw ang papayagan lang sa MC taxi, bukod sa may insurance pa ang mga pasahero.

Sa isang news forum, sinabi ni Guadiz na ang pagdaragdag ng serbisyo ng transport network vehicle service ay magbibigay ng maraming trabaho sa mga Pinoy at hayaan na lang ang commuters na pumili ng mas komportable at mas murang masasakyan.

Malamang na hangga’t hindi natutuldukan ang usapin, marami pang mga espekulasyon, pangamba at haka-haka ang maglalabasan lalo na’t maging ang isang miyembro ng kongreso ay tutol na makapasok ang Move It ng Grab sa pilot study ng MC taxi.