Home OPINION TUSONG KAIBIGAN

TUSONG KAIBIGAN

“FILIPINOS do not yield.”

‘Yan ang huling pahayag ni Pangulong Bong Bong Marcos sa huling pangha-harass ng mga Chinese Coast Guard sa ating mga kababayan na maghahatid lamang ng mga supply sa BRP Sierra Madre, ang barkong bagama’t luma at kinakalawang, ay tumatayong tagabantay ng ating karagatan sa West Philippine Sea.

“’Di sumusuko ang mga Pinoy,” ika nga. At ‘yan ay ating pinatunayan mula sa ating mga ninuno, sa salin-salin na mga dayuhang nakipagkaibigan sa simula subalit sa dulo ay pagsasamantalahan lamang pala ang ating kabaitan bilang tao at pagiging Filipino.

Isang uri na riyan sa mapagsamantalang kaibigan ay iyang mga “Tsekwa”, mga Intsik na sa lahat ng panig ng daigdig ay nandoroon na. Naitanim ang kanilang mga kababayan, ‘di para makipagkapwa-tao, kundi magpayaman at umangat sa lahat.

Makasarili sa madaling sabi, ang mga Tsekwang ito. Tuso, ika nga. Puro kapakanan nila ang gusto at iniingatan. Sa madali ring sabi, “wala silang mga modo.”

Pasubali naman sa mga Chinese-Filipino na sa bansa na nagsilaki dahil ibang uri na ang mga ito. Mas desimulado kumilos, marunong makipagkapwa-tao dahil na-adopt o nakuha na nila ang ugaling Filipino.

Wala sa ugali nating mga Filipino ang maging ganid, swapang, at mapag-samantala, ‘di gaya ng mga Tsekwang mula sa main land China na ngayon ay inaari na ang mga yamang-dagat natin sa kabila ng ‘final’ na desisyon ng ‘international court’ na ang bahagi ng WPS ay talagang pag-aari ng PILIPINAS.

Ginagawa pa tayong mga tanga at pinag-aaway-away para lalo tayong mawala sa ‘focus’ at maituloy nila ang kanilang pangangamkam. Mayroon daw naging kasunduan sa kanilang pagitan at ang dating administrasyon na tanggalin na ang BRP Sierra Madre sa karagatang iyon.

Sinong traydor na lider ng mga Filipino ang gagawa noon?

Magiging matatag kami at ipamumukha namin sa inyong mga Tsekwa na may sukdulan ang aming pagtitimpi.

Hindi ito babala, dahil nagawa na namin ito nang marami ng beses sa lahat ng mga kaibigang dayuhan na animo’y nakipagkaibigan noong una ngunit sa huli’y nagsamantala. Lumaban at nanindigan kaming mga Filipino. Kaya nga ang sabi ng aming kasalukuyang lider at Pangulong Bong Bong Marcos – “Hindi sumusuko ang mga Filipino!”