Home NATIONWIDE Apela ni dating Albay Gov na tumakbo ngayong eleksyon, ‘di pinagbigyan ng...

Apela ni dating Albay Gov na tumakbo ngayong eleksyon, ‘di pinagbigyan ng Court of Appeals

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang motion for reconsideration nina dating Albay governor Noel Rosal at maybahay nito na si Carmen Rosal na humihiling na payagan silang tumakbo sa Mayo 12 sa kabila ng naging desisyon ng Office of the Ombudsman na nagbabawal sa kanila na humawak na ng anumang posisyon sa gobyerno.

Nakasaad sa tatlong pahinang resolusyon ng CA na ang desisyon ng Ombudsman sa mga administrative cases ay “immediately executory” kahit mayroon nakabinbin na apela.

“(P)etitioners failed to show a clear and unmistakable right to be protected because the fact that they were elected into office does not entitle them to a TRO (temporary restraining order) as there is no absolute right to hold office,” iginiit sa resolusyon.

Ipinadala na ng CA ang resolusyon nito sa Commission on Elections (Comelec).

Si Rosal ay nahalal bilang governor ng Albay noong May 2022 elections ngunit sinibak sa puwesto ng Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct, oppression, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Iginiit ni Rosal na dapat siyang payagan na tumakbo ngayong eleksyon habang nakabinbin ang kanyang apela sa naging desisyon ng Ombudsman.

Noong Enero, naglabas ang Supreme Court ng TRO na pumipigil sa Comelec na ipatupad ang disqualification ni Rosal. TERESA TAVARES