Home NATIONWIDE Mga pekeng dokumento, walang bisa kahit ipanotaryo – SC

Mga pekeng dokumento, walang bisa kahit ipanotaryo – SC

MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Korte Suprema na bagamat ipinapalagay na authentic o totoo ang mga notarized o naipa-notaryo na dokumento, mawawalan ng bisa ang mga ito kung mapapatunayang peke.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, nagpasya ang Second Division na walang pananagutan si Gil Chua (Chua) para sa hindi nabayarang P150 milyong loan ng Interbrand Logistics and Distribution, Inc. (Interbrand) mula sa Bank of Commerce.

Ang loan ay sinigurado sa pamamagitan ng promissory notes at notarized Continuing Surety Agreements (CSAs) na nilagdaan ng ilan sa mga opisyal ng Interbrand. Si Chua ay nakalista bilang isa sa mga surety, pero hindi tulad ng ibang mga lumagda, hindi siya isang opisyal, direktor, o shareholder ng kumpanya.

Nang hindi mabayaran ng Interbrand ang mga pautang, idinemanda ng bangko ang kumpanya at lahat ng mga surety.

Itinanggi ni Chua ang anumang pagkakasangkot. Sinabi niyang hindi siya pumirma sa isang CSA o humarap sa isang public notary.

Iginiit ng Bangko na ang CSA, bilang isang notarized na dokumento, ay ipinapalagay na wasto.

Kinatigan ng Korte ang pagkwestiyon ni Chua sa bisa ng CSA.

Itinanggi ni Chua ang pagpirma sa dokumento o ang pagharap sa isang notaryo. Wala siyang posisyon o interes sa Interbrand, at ang Bangko ay walang specimen ng kanyang lagda para i-verify ang CSA.

Bukod pa rito, ang kanyang CSA at ng isa pa ay pinirmahan diumano sa parehong araw sa magkahiwalay na mga lokasyon pero may magkaparehong mga saksi na lalong nakadagdag sa pagdududa kung tunay ang dokumento. Hindi rin iniharap sa korte ang notary public na umano’y nagnotaryo sa CSA.

Inutusan ng Korte ang Interbrand at ang mga natitirang surety na bayaran ang Bank ng PHP 150 milyon pati interes at penalties, at P1 milyon na attorney’s fees. TERESA TAVARES