Home NATIONWIDE Aplikasyon para sa JET Program binuksan ng Japan embassy sa mga Pinoy

Aplikasyon para sa JET Program binuksan ng Japan embassy sa mga Pinoy

TUMATANGGAP na ngayon ang Japanese Embassy ng aplikasyon para sa ‘highly competitive’ na 2025 Japan Exchange and Teaching (JET) program.

Pinahihintulutan nito ang mga eligible Filipino na magtrabaho bilang assistant language teachers (ALTs) sa Japan.

Ang mga Filipino na matatanggap sa programa ay magtatrabaho sa public o private schools o local boards of education bilang assistant sa mga klase sa pangunguna ng mga Japanese English teacher.

Bukod sa ALTs, mayroon ding slots para sa Coordinator for International Relations (CIRs) post.

Ang CIRs ay inilagay lamang sa local governments sa iba’t ibang bahagi ng Japan at tumutulong sa international exchange matters sa pamamagitan ng pagta-translate sa mga dokumento; project planning designing, at implementasyon; oral at written communications sa non-Japanese residents at komunidad at iba pang kaugnay na gawain.

Ang mga aplikante ay dapat na Filipino citizen, may taglay na English communication skills, physically at mentally fit na magtrabaho sa ibang bansa, at isang Bachelor’s degree o higher, o may kakayahan na makakuha ng kuwalipikasyon sa itinakdang arrival date.

Bukod dito, ang mga aplikante para sa CIR position ay dapat na may taglay na Japanese language proficiency (JLPT N1 o katumbas nito).

Ang application forms, at iba pang requirements ay available sa embassy website: https://www.ph.emb-japan.go.jp/itpr_en/00_000193_00001.html.

Ang pagsusumite para sa ALT applicants ay sa Nov. 6 at Dec. 6 naman para sa CIR applicants.

Samantala, ipinakilala ang JET program noong 1987 para makatulong na maging mas malalim ang mutual understanding sa pagitan ng mga mamamayan ng Japan at mga mamamayan ng ibang bansa sa pamamagitan ng foreign language exchange at cultural immersion sa local level.

Ngayong 2024, mahigit sa 120 JET participants ang kuwalipikado mula sa Pilipinas, itinuturing na pinakamalaking batch sa isang taon, dahilan upang ang kabuuang bilang ng mga magpapartisipa mula sa Pilipinas ay umabot na sa mahigit 300. Kris Jose