Home NATIONWIDE VP Sara ‘never again’ nang makikipagtambal sa Marcoses sa eleksyon

VP Sara ‘never again’ nang makikipagtambal sa Marcoses sa eleksyon

MANILA, Philippines – NEVER AGAIN!

Ito ang naging tugon ni Vice President Sara Duterte nang tanungin kung may plano pa itong makipagtambal sa mga Marcoses sa mga eleksyon sa hinaharap.

At nang uriratin ng media kung ano ng dahilan, tumawa lamang si VP Sara at nagsabing “Mag-sit down tayo.”

Bukod dito, nag-thumbs down si VP Sara sa posibilidad na maayos pa ang ugnayan sa pagitan nila ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Mabilis na tugon ni VP Sara, sa simula pa lamang ay hindi naman sila magkaibigan.

“Hindi kami magkaibigan unang-una. Nagkakilala lang kami dahil mag-running mate kami. So, bago pa man kami naging running mate, hindi na kami nag-uusap. Nagkausap lang kami during campaign at saka sa trabaho noon,” ang winika ni VP Sara.

“Ang kaibigan ko talaga si Senator Imee Marcos, kilala niya ako since 2012,” aniya pa rin.

Habang hindi naman direktang idinadamay si Pangulong Marcos, inakusahan naman ni VP Sara ang mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso na gumagawa na ng “political attack” para idiskaril ang kanyang posibleng 2028 presidential bid. Kris Jose