Home NATIONWIDE Aplikasyon para sa PUV consolidation sarado na

Aplikasyon para sa PUV consolidation sarado na

MANILA, Philippines- Natapos na ang pagsusumite ng aplikasyon para sa konsolidasyon ng public utility vehicle (PUV) operators bilang bahagi ng PUV Modernization Program nitong Linggo ng hapon.

Sa isang panayam, sinabi ni Office of Transportation Cooperatives Chairman Jesus Ferdinand “Andy” Ortega bukas ang kanyang opisina at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tumanggap ng dokumento para sa jeep consolidation hanggang alas-5 ng nitong Linggo.

Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi palalawigin ang December 31, 2023 deadline para sa konsolidasyon ng PUV operators.

Binigyang-diin ni Ortega na hindi na bibigyan ng pagkakataon ang jeepney operators na hindi umabot sa year-end deadline para makibahagi sa konsolidasyon.

“For the past six months, talagang na-mention na namin, paulit-ulit naming sinasabi na talagang firm ang deadline. Umabot pa nga tayo sa Pangulo na talagang mapakita sa mga kasamahan natin na ang desisyon ay buong buo na,” wika niya.

“Unfortunately, kung hindi sila aabot by today, wala na silang pag-asa na mag-consolidate,” dagdag niya.

Nilalayon ng PUV Modernization Program, na nagsimula noong 2017, na palitan ang mga jeep ng mga sasakyan na mayroong kahit Euro 4-compliant engine upang maibsan ang polusyon at palitan ang PUVs na hindi na roadworthy alinsunod sa pamantayan ng Land Transportation Office (LTO).

Subalit, nagkakahalaga kada modern jeepney unit ng mahigit P2 milyon, na ayon sa state-run banks LandBank at Development Bank of the Philippines ay masyadong mahal para sa PUV drivers at operators.

Ani Ortega, hindi na maaaring gamitin ang prangkisa ng PUV operators na hindi nakaabot sa konsolidasyon hanggang December 31, subalit bibigyan umano ang mga ito ng due process.

“Sa panig ng LTFRB, may tinatawag silang show cause. So titignan ang mga hindi nag-apply or umabot and then bibigyan naman sila ng dokumento at within that month of January, bibigyan sila ng pagkakataon na magsabi kung anong nangyari…and then eventually, mapo-formalize ang pagtanggal ng kanilang prangkisa,” patuloy niya.

Sa five-page circular na nauna nang ipinalabas ng LTFRB, sinabi ng ahenys na ang individual operators sa mga rutang walang consolidated transport service entity (TSE) “shall be allowed to operate until 31 January 2024” upang hindi makaantala sa  “operation of public transportation routes without consolidated TSE.”

Subalit, sa nasabing panahon, maglalabas pa rin ang LTFRB at regional offices nito ng show-cause orders alinsunod sa Public Service Act.

Ayon pa sa ulat, ang mga hindi nakaabot sa aplikasyon para sa konsolidasyon ay hindi na papayagang bumiyahe simula ngayong Lunes, Enero 1, 2024, partikular sa mga ruta kung saan 60% ng PUVs ang nakatalima sa konsolidasyon, habang papayagan ang mga pumapasada sa mga rutang wala pang 60% consolidation o mayroong zero consolidation hanggang Enero 31.

Bibigyan naman ang mga kooperatiba na mayroong consolidation applications o lumagda sa kasunduan upang kumpletuhin ang mga rekisitos. Pansamantala silang papayagang bumiyahe.

Samantala, nanindigan ang transport group PISTON na hindi sila makikibahagi sa konsolidasyon.

Bagama’t hindi sila tutol sa modernisasyon, hindi sila sang-ayon sa pamamaraan ng implementasyon nito dahil mababaon umano sila sa utang dahil nagkakahalaga kada modern jeep ng P2.8 milyon.

“Bagamat naroon talaga yung pangamba na mawawalan sila ng kabuhayan, pero ang sinasabi nila mahirap nga naman na pumasok sila sa andana ng modernization kung mababaon naman sila sa utang, ay mas lalong masakit sa ulo,” giit ni PISTON National President Mody Floranda. RNT/SA

Previous articleCasRen, pinaiyak at pinatawa nina Ate Vi at Boyet!
Next articleTINGNAN: ‘Walk of Thanksgiving’ para sa Poong Nazareno