Home METRO Apprentice ng barko nagbuwis ng buhay para sa 2 kasama – PCG

Apprentice ng barko nagbuwis ng buhay para sa 2 kasama – PCG

MANILA, Philippines – Nailigtas ang buhay ng dalawang kasama ngunit naisakripisyo naman ng isang apprentice ng barko ang kanya, matapos matangay ng malakas na agos sa Iloilo River nitong nakaraang Huwebes, Hunyo 1 ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Kinilala ng PCG ang nasawi na si Sammy Bryle Gonzales, 22-taong gulang, residente ng Zamboanga City, at apprentice ng Weesam Express.

Ayon kay Lt. Commander Jansen Benjamin, PCG-6 spokesperson, naganap ang insidente sa Port of Lapuz kung saan nakadaong ang barko.

Kasama sina Aira Salcedo, 24 at Marcheryl Salahudin, 23, nagkayayaan umano silang maligo sa ilog ngunit hindi nila batid na malakas ang agos para sila ay matangay.

Nang marinig ni Gonzales na humihingi ng saklolo ang dalawa, dali-dali itong tumalon sa tubig at iniligtas ang dalawang kasama.

Makaraang mailigtas ang dalawa, si Gonzales naman ang tinangay ng malakas na agos at tuluyang nalunod.

Isang grupo mula sa PCG-Iloilo ang nagkasa ang search and rescue operation hanggang sa matagpuan ang biktima.

Agad na isinugod sa Saint Paul Hospital si Gonzales ngunit nalagutan rin ng hininga. Jocelyn Tabangcura-Domenden