MANILA, Philippines – Nasuhulan umano ng tig-₱8 milyon ang mga suspek sa pagpatay kay Governor Roel Degamo para lamang bawiin ang kanilang naunang testimonya.
Ibinunyag ni Justice secretary Jesus Crispin Remulla na batay sa kanilang intelligence report, ang co-mastermind na si Marvin Miranda ang nanuhol ng walong milyong piso sa bawat suspek upang bumaligtad at sabihin na hindi nila kilala si Miranda at si Congressman Arnie Teves.
Sinabi ni Remulla na nagbago ang lahat ng makasalamuha ni Miranda ang iba pang mga suspek na nakakulong sa pasilidad sa National Bureau of Investigation.
Una nang sinabi ni Remulla na hindi natuloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Teves matapos umatras sa kani-kanilang salaysay ang ang suspek at tumanggi ng makipagtulungan sa DOJ.
Iginiit ng kalihim na kahit bumaligtad na ang 10 suspek sa Degamo killing, mananatiling malakas ang kaso laban kina Teves. Teresa Tavares