MANILA, Philippines – Ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) ang mga targeted reading intervention sa Region 1 habang bakasyon upang matulungan ang mga estudyanteng hirap sa pagbasa at pag-unawa.
Ayon sa ulat, isinama ang mga piling mag-aaral sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, isang remediation program para sa mga estudyanteng nahuhuli sa pangunahing kasanayan tulad ng reading comprehension.
Maagang tinukoy ng Schools Division Office ng Dagupan City ang mga benepisyaryo bago pa matapos ang klase upang agad na maipagpatuloy ang mga interbensyon sa bakasyon.
Gumagamit ang programa ng mas interaktibo at makabagong paraan ng pagtuturo upang mapukaw ang interes ng mga bata at mapanatili ang kanilang partisipasyon kahit walang regular na klase.
Mayroon ding tutorial sessions sa Mangalda National High School para sa mga estudyanteng may mababang performance, habang nakikipag-ugnayan ang paaralan sa mga magulang para mas masuportahan ang pag-aaral sa bahay.
Ayon sa DepEd, patuloy nitong pinalalakas ang mga literacy program upang matugunan ang learning gaps ng mga mag-aaral sa bansa. RNT/MND