Home OPINION ARAW NG MGA KALULUWA

ARAW NG MGA KALULUWA

NAKALIPAS na ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections nitong Lunes at sana ay nakaboto ang lahat ng maayos at naaayon sa kanilang kagustuhan dahil ang pagboto at pagpili ng mga lider para tayo ay pamunuan at paglingkuran ay isang karapatan na dapat ay pinapapahalagahan at ginagampanan natin bilang mga mamamayan.

Dahil tapos na, talakayin naman natin ngayon ay ang Undas o pag-alala sa Araw ng mga Santo sa Nobyembre 1 at ang Araw ng mga Kaluluwa sa Nobyembre 2.

Kristyanong mga pista na inaalala ang kaluluwa ng ating mga mahal sa buhay na sumakabilang-buhay na.   Pinagsunod ang dalawang araw na ito dahil ayon sa tradisyon ng mga Katoliko, bahagi nang dalangin natin na sana’y gabayan at isama ng mga santo ang ating mga kaanak at kaibigan na makatawid at umakyat sa langit.

Hindi lang mga Kristyano ang may selebrasyon na tulad nito.   Sa Mexico, isang UNESCO Cultural Heritage na ang “El Dia del Muertos” o Day of the Dead.   Sa Guatemala, ang Kite Festival na hango mula sa kultura ng mga Maya ay ginagamit ang saranggola bilang simbolo ng paglalakbay ng mga espiritu.   Sa Ireland naman, meron bonfire at pag-aalay ng mga alagang hayop para sa “Samhain” o pasasalamat sa katapusan ng anihan.   Ang pagsusunog nila ng bonfire sa October 31 ay para itaboy ang mga masasamang Espiritu.

Kahit mga Hindu sa India ay meron ding katulad na selebrasyon na tinatawag na “Shraddha” at “Mahalaya” kung saan umiikot sa pag-aalay ng mga panalangin at pagkain sa kanilang mga ninuno na ang hiling ay basbasan ang mga nabubuhay pa. Sa mga Buddhists naman, ang selebrasyon ng “Bon” para alalahanin ang mga ninuno sa pagsindi ng mga insenso, pailaw ng mga parol o lanterns, pag-alay ng bulaklak at  ang paboritong pagkain ng namatay nilang kaanak.

Syempre, andyan din ang Halloween na galing sa mga Amerikano at unti-unti nang sumisikat dito sa atin. Nagsusuot ng mga nakakatakot na costume sa isang party.

Anopaman ang katawagan, sentro sa ating paniniwala na patuloy tayong tinutulungan at binabasbasan ng ating mga ninuno, kahit na nga sila ay hindi natin kapiling sa pisikal na mundong ito.   Ang pagsisindi ng kandila, pag-iiwan ng bulaklak at pag-alay ng panalangin ay maliit na pagpapramdam ng ating pasasalamat.

Maging mapayapa at makahulugan sana ang ating  pag-alala sa Araw ng mga Kaluluwa.