MANILA, Philippines – Nilusob ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang umano’y illegal gambling operation na pinagmukhang isang lehitimong video game arcade kung saan ang mga parokyano ay naglalaro sa mga kahong wala naman palang laman na papremyo.
Isinagawa ng NBI Dangerous Drugs Division ang raid sa amusement center sa Makati City, kung saan naabutan ang 25 Japanese nationals at isang Taiwanese national na naglalaro.
“May mga players, bibili ng card, tapos yung card ang ipinanlalaro. Nag-e-earn ka rito ng points. Pag nakakuha ng points, pupunta sa isang counter, doon nila i-claim yung prize, ballpen, umbrella,” sinabi ni NBI Director Melvin Matibag sa panayam ng GMA News.
Kabilang sa papremyo ang mamahaling mga gadget sa loob ng selyadong mga kahon sa shelves.
Ang mga manlalaro na magki-claim ng premyo ay ituturo patungo sa third floor kung saan ang mga item ay ipapalit umano sa cash.
Sa kabila nito, ang mga kahon, kabilang ang mga cellphone, ay wala palang laman dahilan para matukoy na ang buong operasyon ay isang scheme lamang.
Itinanggi ng may-ari ang pagpapatakbo sa illegal gambling business at sinabing “Buy and sell kasi ako sir. Binabuy ko at sinesell ko rin sa establishment with my 2% na patong.”
Ang may-ari, ilang empleyado, at parokyanong naaresto sa operasyon ay inaasahang mahaharap sa reklamong paglabag sa anti-illegal gambling laws ng bansa. RNT/JGC