MANILA, Philippines – Hiniling ng Archdiocese of Capiz sa mga lay leaders at mga maglilingkod sa mga ministeryo sa mga parokya na tumatakbo sa botohan sa 2025 na magbitiw sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan.
“It has been also our practice in the Archdiocese that lay leaders and those who hold ministerial responsibilities in our parishes who filed their certificates of candidacy (COC) for an elected position automatically inhibit themselves from their pastoral responsibilities in the parish so that they avoid using their office for their political advantage,” sabi ni Archbishop Victor Bendico sa Circular No. 23 na inilabas nitong Lunes.
Sinabi ng Arsobispo na ang hakbang na ito ng mga lay leaders na naghahangad ng pampublikong posisyon ay nagpapakita ng “sense of delicadeza” at paggalang sa Simbahan.
Bagama’t binanggit na ang mga layko ay pinapayagang maglingkod sa pampublikong katungkulan, sinabi ng Arsobispo na ang partisan politics na kadalasang kasama nito ay nakakaapekto sa buhay komunidad ng mga parokya at mga mission stations.
Idinagdag ni Bendico na maaari silang bumalik sa kanilang mga tungkulin sa simbahan pagkatapos ng halalan sa Mayo 2025.
May 43,000 aspirants ang naghahangad na mahalal sa mahigit 18,000 elective na posisyon sa mga botohan sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden