Bulacan – Arestado ang isang 51-anyos na lalaking mekaniko na nanutok at nagpaputok umano ng baril sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jay Aureo tubong Nueva Ecija habang ang biktima ay si Arnel, 27, binata, driver, kapwa residente ng Brgy. Muzon Proper.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang ala-1:30 ng madaling araw nitong January 1 sa Brgy. Muzon Proper.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kinompronta ng biktima ang suspek na lulan ng Nissan Urban MV350 dahil muntik na siyang mabangga nito.
Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang tinutukan umano ng baril ng suspek ang biktima na nagawang tumakbo at humingi ng tulong sa tanod na naka-duty.
Agad na rumesponde ang ilang tanod sa lugar subalit pumalag ang suspek kaya agad nilang dinamba ito hanggang sa narekober ang baril na Pistol Tanfolgio cal 9MM at magazine na may bala.
Lumalabas din sa imbestigasyon na dalawang beses pinaputok ng suspek ang kanyang baril bago ang insidente.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III