Home NATIONWIDE Mas maraming POGO hubs target gawing ‘food banks’ sa pagsawata sa pagkagutom...

Mas maraming POGO hubs target gawing ‘food banks’ sa pagsawata sa pagkagutom sa 2027

MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapulong na niya ang ibang tanggapan ng gobyerno para i-convert ang piling POGO hubs sa food banks, gagamitin ito para sa hangarin ng gobyerno na “tuldukan na ang pagkagutom” sa bansa sa 2027.

Sinabi ni SWD Secretary Rex Gatchalian na ang pagtugon sa pagkagutom ay kabilang sa tatlong paksa na tatalakayin nila kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.  sa susunod na linggo sa isasagawang unang Cabinet meeting ng taon.

“We wanna make sure that we end hunger by 2027 hopefully… No administration has been bold enough to say they wanna end hunger,” ang sinabi ni Gatchalian.

Aniya, ang mga programa para labanan ang pagkagutom ay umani ng matagumpay na resulta lalo na ang food stamp, na aniya’y kanilang itataas ngayong taon.

“The pilot’s already done and we’re already scaling up… The pilot tells us that it is effective. [But there are] policy recommendations as to improving the meal proportions, per capita cost,” dagdag niya.

“The program is being implemented in the top 21 poorest, hungriest, most stunted provinces in the country,” ang sinabi ni Gatchalian.

Target nitong palakihin ang proyekto para sa 600,000 benepisaryo ngayong taon matapos matukoy ang 300,000 noong nakaraang taon.

Samantala, sinabi naman ni Gatchalian na ang negosasyon ay nagpapatuloy para i-transform ang ibang isinarang POGO sites sa food banks lalo pa’t “rent is free, we [simply] renovate it a little.”

“We’re looking at sites but we are targeting the other POGO centers. We’re currently working with our friends over at PAOCC to make sure we get an inventory of where else we can set up soup kitchen,” ang tinuran ng Kalihim.

Sa kabilang dako, sinabi ni Gatchalian na nagtakda siya ng dalawang criteria para idetermina kung ang POGO site ay kuwalipikado na ma-convert bilang food bank.

“We are doing needs assessment to make sure these areas are suitable and are accessible. There are two things we wanna look at. Are these facilities up to speed and are they located in areas that can easily be reached by our hungry families,” ang winika ni Gatchalian.

Tinukoy naman ng Kalihim ang matagumpay na food bank na nagbukas sa dating POGO center sa Pasay City. Ang pasilidad ay nakapagsilbi sa 5,000 hanggang 6,000 pamilya simula nang buksan ito noong Disyembre 16.

Sa ilalim ng public-private initiative, ang mga restaurant, hotel, at fast-food chain ay maaaring mag-donate ng kanilang tinatawag na ‘surplus food’ na ipakakain sa mga nagugutom na pamilya at indibidwal.

“Daily we average around 600 [meals], there are days we do around 800 meals served, and we are thankful to the private sectors,” ang sinabi ni Gatchalian.

Samantala, sinabi pa rin ni Gatchalian na makikipagpulong siya sa mga potensyal na private sector parters para mapahusay pa ang operasyon ng food bank. Kris Jose