MANILA, Philippines- Nagbabala ang Korte Suprema na dapat na malinaw sa search warrant ang tinutukoy na lokasyong hahalughugin dahil maaaring mawawalan ng bisa ang search warrant bunsod ng paglabag sa karapatan laban sa mga unlawful search and seizure.
Sa isang desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinawalang-sala ng Second Division ng Korte Suprema si Lucky Enriquez (Enriquez) sa mga krimeng illegal possession of dangerous drugs at drug paraphernalia sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, dahil sa isang depektibong search warrant at irregular na pagpapatupad nito.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangang ilarawan sa isang search warrant ang partikular na lugar na hahalughugin. Ang requirement na ito ay mahalaga upang mapigilan ang enforcing officers na magdesisyon sa kanilang sarili kung saan ang search, kung kanino, at kung ano ang hahalughugin.
Sa kaso ni Enriquez, nagpasya ang Korte Suprema na ang search warrant ay masyadong malawak at maituturing na isang general warrant, na ipinagbabawal sa Konstitusyon. Ang kakulangan ng detalyeng ito ay nagbigay sa mga ahente ng PDEA ng unlimited power para halughugin ang buong compound.
Napag-alaman din ng Korte Suprema na hindi naisilbi nang maayos ang search warrant. Ayon sa Rule 126, Sections 7 at 8 ng Rules of Court, dapat munang magpakilala ang mga government agent at humingi ng permiso na makapasok sa lugar na nais nilang i-search. Maaari lamang nilang piliting pumasok kung tinanggihan ang kanilang pagpapaalam. Ang rule na ito ay pinoprotektahan ang taong sinilbihan ng warrant at ang mga government agent mula sa posibleng karahasan na maaaring mangyari mula sa isang unannounced entry. Teresa Tavares