MANILA, Philippines- Pabor ang Office of the Solicitor General (OSG) sa isinusulong na panukalang batas ng House of Representatives Quad Committee na ikansela ang birth certificates na ilegal na nakuha ng mga dayuhan kabilang ang mga sangkot sa mga kriminal na aktibidad ng mga ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators.
Una nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na aabot sa ₱75 milyon ang magagastos ng gobyerno sa pagkansela sa 1,500 pekeng birth certificates na nakuha ng mga dayuhang sangkot sa ilegal na aktibidad ng POGO.
Ipinaliwanag ni Guevarra na kung idadaan sa karaniwang judicial process kabilang ang publikasyon ng 1,500 cancellation cases, aabot ang gastos ng P75 milyon.
Gayunman, kung makapagpapasa aniya ang Kongreso ng batas na magpapatupad ng administrative cancellation ng mga dinayang birth certificates, ang gastos ay mababawasan ng halos kalahati.
Una nang isinusulong ni Guevarra ang kanselasyon ng lahat ng birth certificates na ilegal na nakuha ng mga dayuhan sa gitna ng POGO ban.
Target din ng Office of the Solicitor General na bawiin ang assets at ari-arian ng mga dayugan na ilegal na nabili ng mga dayuhan.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hahabulin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ocal government units na tumulong para pag-isyu ng mga dinayang birth certificates. Teresa Tavares